Huwebes, Oktubre 16, 2014

Batayang Pangungusap at mga Bahagi Nito

Batayang Pangungusap at mga Bahagi Nito
May pangunahing pangungusap ang wikang Filipino na matatawag ding batayang pangungusap (BP). Ito ang pinakasimple at pinakamaikli, ngunit pinakakompleto ring uri ng pangungusap sa naturang wika. Buhat sa batayang pangungusap, makahahango ng iba pang uri ng pangungusap, tulad ng tatalakayin sa mga sumusunod na pahina. Dalawa ang pangunahing komponent o bahagi ng batayang pangungusap sa Filipino: ang panaguri at ang paksa.
...

{4.2.1} Panaguri
Ito ang bahagi ng pangungusap na kumakatawan sa impormasyong sinasabi o iniuugnay sa paksa. Matatawag din itong predicate. Sa Filipino, normal o karaniwan sa mga ordinaryong usapan o diyalogo ang pagsasabi muna ng panaguri, kasunod ng paksa. Tulad nito:
Kumakanta si Nona. (Panaguri + Paksa)
sa halip na: 
Si Nona ay kumakanta. (Paksa + ay + panaguri)
Magagamit na panaguri ng pangungusap sa Filipino ang iba't ibang bahagi ng panalita, kabilang ang nominal, pang-uri, pandiwa, pang-abay, mga pariralang preposisyonal, eksistensiyal, at modal. Tulad ng makikita sa sumusunod:
...

{4.2.1*} Pangungusap = Panaguri + Paksa
1. Mga Nominal
- Pangngalan: 
Maestra + si Nanette. Inhinyero ang tatay ko.
- Panghalip Panao/Personal: 
Siya + si Nanette. Ako ang kasama mo.
- Panghalip Pamatlig/Demonstratibo: 
Iyan + ang bahay nila. Ito si Nonoy.
- Pariralang normal: 
Ang batang iyan + ang kapatid ko. Si Bernie ang aking partner.
2. Pang-uri
- Payak, maylapi, inuulit, tambalan: 
Payat + si Neneng. Matalino, Masayang-masaya, Balat-sibuyas
- Pariralang pang-uri: 
May magandang boses + ang babae. Nakaaaliw naman iyan.
...

{4.2.1**}
3. Pandiwa
- Walang komplemento: 
Naglilinis / magluluto + ang nanay.
- May komplemento (aktor, layon, tagatanggap, ganapan, atbp): 
Naglilinis ng kotse sa garahe + ang tatay. Ipagluluto ng nanay ng adobo sa bagong kaldero + ang kanyang mga anak.
4. Pang-abay
- Pamanahon: 
Kanina pa umalis + sina Nene.
- Pamaraan: 
Magandang umawit si Regine.
- Panlunan: 
Sa Maynila nag-aaral ang kuya ko.
5. Mga Pariralang
- Preposisyonal: 
Nasa harap ng klase + ang mesa. Para sa iyo ito. Tungkol sa computer ang libro.
- Modal: 
Gusto ko + iyan. Kailangan natin ang mga papel na ito. Puwede sa amin ang librong iyan.
- Eksistensyal: 
May boses + ang batang iyan. Mayroon nang kapatid na lalaki sina Marie.
...

{4.2.2} Paksa
Isa rin itong pangunahing komponent ng batayang pangungusap sa Filipino na matatawag ding simuno o topic ng pangungusap. Ito ang pinag-uusapan o sentro o pokus ng usapan sa pangungusap na inihuhudyat ng panandang ang para sa mga karaniwan o pambalanang pangngalan, o ng si/sina para sa mga tangi o personal na pangalan. Maaari rin namang panghalip na panao/personal o pamatlig/demonstratibo na nasa anyong ang ang paksa. Tulad nito:
Ito ang aking bagong computer. Tawagin mo na si Ninoy. Kapatid ko siya. Kunin mo Ito.
Laging pariralang nominal ang paksa ng pangungusap sa Filipino. Nangangahulugan ito na laging may nauunang pananda o marker (ang, si/sina) ang paksa, kung hindi ito panghalip. Ginagamit ang ang sa anumang bahagi ng panalita na ginawang nominal, maging ito ay pangngalan, pang-uri, pandiwa, pang-abay, o maging pariralang modal, eksistensiyal, o preposisyonal. Tulad ng mga sumusunod:
...


{4.2.2*}
Pangungusap = Panaguri + Paksa
1.Pariralang pangngalan: 
Nag-aaral + ang bata / si Liza.
2.Pariralang pang-uri: 
Nanalo + ang pinakamagaling / ang pinakamabilis sa lahat.
3. Pariralang pandiwa: 
Tawagin mo + ang mga dumating / ang mga nagsusulat.
4. Pariralang pang-abay: 
Hinahangaan ko + ang mahusay umawit / ang talagang magaling.
5. Pariralang modal: 
Iyan + ang gusto ko / ang puwede sa akin.
6. Pariralang eksistensiyal: 
Kuwarto niya + ang may tao/ ang mayroon nang pintura.
7. Pariralang preposisyonal: 
Ibibigay ko + ang para sa iyo / ang nasa loob ng kabinet. 8. Panghalip Panao/Personal (inilalagay pagkatapos ng pandiwa): (Nag-aaral siyang mabuti. Sunduin mo ako/siya/kami mamaya.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento