Huwebes, Oktubre 16, 2014

Batayang Pangungusap at mga Bahagi Nito

Batayang Pangungusap at mga Bahagi Nito
May pangunahing pangungusap ang wikang Filipino na matatawag ding batayang pangungusap (BP). Ito ang pinakasimple at pinakamaikli, ngunit pinakakompleto ring uri ng pangungusap sa naturang wika. Buhat sa batayang pangungusap, makahahango ng iba pang uri ng pangungusap, tulad ng tatalakayin sa mga sumusunod na pahina. Dalawa ang pangunahing komponent o bahagi ng batayang pangungusap sa Filipino: ang panaguri at ang paksa.
...

{4.2.1} Panaguri
Ito ang bahagi ng pangungusap na kumakatawan sa impormasyong sinasabi o iniuugnay sa paksa. Matatawag din itong predicate. Sa Filipino, normal o karaniwan sa mga ordinaryong usapan o diyalogo ang pagsasabi muna ng panaguri, kasunod ng paksa. Tulad nito:
Kumakanta si Nona. (Panaguri + Paksa)
sa halip na: 
Si Nona ay kumakanta. (Paksa + ay + panaguri)
Magagamit na panaguri ng pangungusap sa Filipino ang iba't ibang bahagi ng panalita, kabilang ang nominal, pang-uri, pandiwa, pang-abay, mga pariralang preposisyonal, eksistensiyal, at modal. Tulad ng makikita sa sumusunod:
...

{4.2.1*} Pangungusap = Panaguri + Paksa
1. Mga Nominal
- Pangngalan: 
Maestra + si Nanette. Inhinyero ang tatay ko.
- Panghalip Panao/Personal: 
Siya + si Nanette. Ako ang kasama mo.
- Panghalip Pamatlig/Demonstratibo: 
Iyan + ang bahay nila. Ito si Nonoy.
- Pariralang normal: 
Ang batang iyan + ang kapatid ko. Si Bernie ang aking partner.
2. Pang-uri
- Payak, maylapi, inuulit, tambalan: 
Payat + si Neneng. Matalino, Masayang-masaya, Balat-sibuyas
- Pariralang pang-uri: 
May magandang boses + ang babae. Nakaaaliw naman iyan.
...

{4.2.1**}
3. Pandiwa
- Walang komplemento: 
Naglilinis / magluluto + ang nanay.
- May komplemento (aktor, layon, tagatanggap, ganapan, atbp): 
Naglilinis ng kotse sa garahe + ang tatay. Ipagluluto ng nanay ng adobo sa bagong kaldero + ang kanyang mga anak.
4. Pang-abay
- Pamanahon: 
Kanina pa umalis + sina Nene.
- Pamaraan: 
Magandang umawit si Regine.
- Panlunan: 
Sa Maynila nag-aaral ang kuya ko.
5. Mga Pariralang
- Preposisyonal: 
Nasa harap ng klase + ang mesa. Para sa iyo ito. Tungkol sa computer ang libro.
- Modal: 
Gusto ko + iyan. Kailangan natin ang mga papel na ito. Puwede sa amin ang librong iyan.
- Eksistensyal: 
May boses + ang batang iyan. Mayroon nang kapatid na lalaki sina Marie.
...

{4.2.2} Paksa
Isa rin itong pangunahing komponent ng batayang pangungusap sa Filipino na matatawag ding simuno o topic ng pangungusap. Ito ang pinag-uusapan o sentro o pokus ng usapan sa pangungusap na inihuhudyat ng panandang ang para sa mga karaniwan o pambalanang pangngalan, o ng si/sina para sa mga tangi o personal na pangalan. Maaari rin namang panghalip na panao/personal o pamatlig/demonstratibo na nasa anyong ang ang paksa. Tulad nito:
Ito ang aking bagong computer. Tawagin mo na si Ninoy. Kapatid ko siya. Kunin mo Ito.
Laging pariralang nominal ang paksa ng pangungusap sa Filipino. Nangangahulugan ito na laging may nauunang pananda o marker (ang, si/sina) ang paksa, kung hindi ito panghalip. Ginagamit ang ang sa anumang bahagi ng panalita na ginawang nominal, maging ito ay pangngalan, pang-uri, pandiwa, pang-abay, o maging pariralang modal, eksistensiyal, o preposisyonal. Tulad ng mga sumusunod:
...


{4.2.2*}
Pangungusap = Panaguri + Paksa
1.Pariralang pangngalan: 
Nag-aaral + ang bata / si Liza.
2.Pariralang pang-uri: 
Nanalo + ang pinakamagaling / ang pinakamabilis sa lahat.
3. Pariralang pandiwa: 
Tawagin mo + ang mga dumating / ang mga nagsusulat.
4. Pariralang pang-abay: 
Hinahangaan ko + ang mahusay umawit / ang talagang magaling.
5. Pariralang modal: 
Iyan + ang gusto ko / ang puwede sa akin.
6. Pariralang eksistensiyal: 
Kuwarto niya + ang may tao/ ang mayroon nang pintura.
7. Pariralang preposisyonal: 
Ibibigay ko + ang para sa iyo / ang nasa loob ng kabinet. 8. Panghalip Panao/Personal (inilalagay pagkatapos ng pandiwa): (Nag-aaral siyang mabuti. Sunduin mo ako/siya/kami mamaya.)

Miyerkules, Oktubre 15, 2014

MGA PANGUNGUSAP NA WALANG PAKSA

MGA PANGUNGUSAP NA WALANG PAKSA
1.    Pangungusap na pasasalamat - nangangahulugang may pangyayaring 
ginawa na at kailangan lamang pasalamatan. 
Halimbawa: 
a. Salamat.(po) 
b. Maraming salamat.(po) 

2.    Pangungusap na patawag - tinatawag sa pangalan ang isang tao at 
nauunawaan naman ng tinatawag na siya'y hinahanap 
Halimbawa: 
a. Allan! 
b. Korina! 

3.     Pangungusap na pangkalikasan - nauukol ito sa mga pangyayaring may 
kinalaman sa kalikasan 
Halimbawa: 
a. Umuulan na. 
b. Lumilindol. 

4.    Pangungusap na pagbati - nangangahuluganng kaharap naang taong 
binabati 
Halimbawa: 
a. Magandang Araw. 
b. Maligayang pagbati sa iyo. 

5.    Pangungusap na pagpaalam - nangangahulugang dati nang kausap ang 
pinagpaalaman ng aalis 
Halimbawa: 
a. Paalam na.(po) 
b. Hanggang sa muli.(po) 

6.    Pangungusap na pamanahon - nagsasaad ng panahon. 
Halimbawa: 
a. Pasko na! 
b. Bertdey mo na. 

7.    Pangungusap na panagot sa tanong - sumasagot ito sa tanong 
Halimbawa: 
a. Oo. 
b. Hindi. 
c. Baka. 

8.    Pangungusap na muling pagtatanong - nangangahulugang may nauna nang 
pahayag na hindi lamang ganoong narinig o naunawaan kaya ipinapauulit. 
Halimbawa: 
a. Saan? 
b. Ano? 
c. Ha? 

9.    Pangungusap na pautos - nangangahulugang kaharap na ng nag-uutos ang 
inuutusan. 
Halimbawa: 
a. Lakad na. 
b. Sulong! 
c. Halika. 

10.  Pangungusap na pakiusap - pangungusap na ginagamitan ng paki at maki. 
Halimbawa: 
a. Pakidala nito. 
b. Makikiraan.(po) 

11.  Pangungusap na pasukdol - pangungusap na ginagamitan ng mga katagang 
kay at napaka. 
Halimbawa: 
a. Kaybuti mo! 
b. Napakatamis nito! 

12.   Pangungusap na padamdam - nagsasaad ng nadarama 
Halimbawa: 
a. Aray! 
b. Ay! 

13.   Pangungusap na eksistensyal - gumagamit ito ng mga katagang may 
mayroon at wala. 
Halimbawa: 
a. May pasok ngayon. 
b. Walang tao riyan.

14.  Pangungusap na temporal – nagsasaad ito ng mga kalagayan o panahong panandalian, karaniwan na itong pang-abay na pamanahon.

2 URI NG TEMPORAL
A.    Oras, Araw, Petsa
Hal. Umaga na.
       Bukas ay Lunes.
       Ala singko pa lang ng hapon.
B.    Panahon, Selebrasyon
Hal. Labor Day na bukas.
       Magbabakasyon lang.
15.  Pangungusap na Modal- gumagamit ng mga salitang gusto, nais pwede, maari, dapat o kailangan.
Halimbawa: Gusto kita.
                   Kailangan mo ba ko ?
16.  Pangungusap na mga “Ka-Pandiwa “- nagsasaad ito ng katatapos na kilos o pangyayari. Malimit itong may kasunod na “lang o lamang”.
Halimbawa: Kasasara ko lang.
                  Kabubukas ko lang.
17.  Pangungusap na Ponomemal- tumutukoy sa mga pangungusap na tumatalakay sa mga kalagayan o pangyayari sa kalikasan o kapaligiran.
2 URI NITO
A.    Verbal-binuong pang uring pandiwa na maaaring may kasamang pang abay.
Halimbwa: Uulan marahil.
                 Bumaha kahapon.
B.    Ajectival- Binubuo ng mga pang uri na maaring may kasama ring pang abay.
Halimbawa: Maginaw ngayon.
                   Maalinsangan.
18.  Pangungusap na Sambitla - karaniwang binubuo ito ng isa o dalawang pantig na nagsasaad ng masidhing damdamin.

halimbawa:
a.) Sunog!
b.) Wow!

19.  Pangungusap na Pahanga - nagpapahayag ito ng damdamin ng paghanga.

halimbawa:
a.) Ang ganda-ganda mo.
b.) Kay sipag mong bata.

Martes, Oktubre 14, 2014

Wastong gamit ng salita

 Kailangang taglayin ng mga pahayag ang kawastuhang pambalarila. May mga salita kasi tayong ginagamit na ang akala natin ay maaaring malayang nagkakapalitan, ngunit hindi naman kung ibabatay natin sa istriktong tuntuning pambalarila. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod :

1. Nang at Ng

          Ginagamit ang salitang Nang sa sumusunpd na pagkakataon:
     a. Ang nang ay karaniwang ginagamit na pangatnig sa mga hugnayang pangungusap at ito ang panimula ng katulong na sugnay.
        Halimbawa: Mag-aral kang mabuti nang makapasa ka sa eksam.

     b. Ang nang ay nagmula sa na at inangkupan ng ng at inilalagay sa pagitan ng pandiwa at ng panuring nito.
         Halimbawa: Nagpasa si Erza ng proyekto nang maaga.

     c. Ginagamit ang nang sa gitna ng dalawang salitang ugat na inuulit, dalawang pawatas o neutral na inuulit at dalawang pandiwang inuulit.
         Halimbawa: suklay nang suklay

         Ginagamit ang salitang Ng sa sumusunpd na pagkakataon:
       a. Ang Ng ay ginagamit na pananda ng aktor o tagaganap ng pandiwa sa tinig balintiyak.
          Halimbawa: Pinangralan ng guro ang mga nahuling mag-aaral.

        b.  Ang ng ay ginagamit na pananda sa tuwirang layon ng pandiwang palipat.
           Halimbawa: Bumili siya ng pasalubong para sa kanyang anak.

        c. Ang panadang ng ay ginagamit kapag nagsasaad ng pagmamay-ari ng isang bagay o katangian.
            Halimbawa: Ang pera ng bayan ay kinurakot ng ilang buwayang pulitiko.

2. Kung at Kong

            Ang Kung ay pangatnig na panubali at ito'y karaniwang ginagamit sa hugnayang pangungusap.
Halimbawa: Aatend ako ng parti kung papayagan ako ng aking mga magulang.

             Ang Kong naman ay nanggaling sa panghalip na panaong ko at inangkupan lamang ng ng.
Halimbawa: Gusto kong tulungan ka ngunit kailangan mo munang tulungan ang iyong sarili.

3. May at Mayroon

           Ginagamit ang may:
         a. kapag sinusundan ng pangngalan.
            Halimbawa: Ang ngiti ay may ligayang dulot sa pinagbigyan nito.

         b. Kapag sinusundan ng pandiwa.
            Halimbawa: May pupuntahan ka ba mamaya?

         c. Kapag sinusundan ng pang-uri.
            Halimbawa: May mahabang buhok si Lucy.

         d. Kapag sinusundan ng panghalip na panao sa kaukulang paari.
             Halimbawa: Bawat tao ay may kanya-kanyang problema sa buhay.

          Ginagamit ang mayroon:
         a. Kapag may napasingit na kataga sa salitang sinusundan nito.
           Halimbawa: Mayroon po bang natirang ulam?

         b. Pasagot sa tanong.
           Halimbawa: May pasok ba tayo? - Mayroon.

        c. Kung nangangahulugan ng pagkamaykaya sa buhay.
           Halimbawa: Ang mga Dragneel  ang mayroon sa bayan ng Fiore.

4. Subukin at Subukan

         Ang subikin ay nangangahulugan ng pagsusuri o pagsisiyasat sa uri, lakas o kakayahan ng isang tao o bagay.
          Halimbawa: Subukin mong gamitin ang sabong ito at baka hiyang sa iyo.

         Ang subukan ay nangangahulugan ng pagtingin upang malaman ang ginagawa ng isang tao o mga tao.
         Halimbawa: Subukan mo siya upang malaman mo ang kanyang sekreto.

5. Pahirin at Pahiran

          Ang pahirin ay nangangahulugan ng pag-alis o pagpawi ng isang bagay.
Halimbawa: Pahirin mo ang iyong pawis sa noo.

          Ang pahiran ay nangangahulugan ng paglalagay ng isang bagay.
Halimbawa: Pahiran mo ng Vicks ang likod ng bata,

6. Operahin at Operahan

         Tinutukoy ng operahin ang tiyak na bahaging tinitistis.
Halimbawa: Ooperahin bukas ang mga mata ni Juvia.

         Tinutukoy ng operahan ang tao at hindi ang bahagi ng kanyang katawan.
Halimbawa: Inoperahan na si Natsu kahapon.

7. Napakasal at Nagpakasal

          Ginagamit ang napakasal kapag ang tinutukoy ay ang ginagawang pag-iisang dibdib ng dalawang nilalang na nagmamahalan.
Halimbawa: Napakasal na ang malaon nang magkasintahing Gray at Juvia.

           Ginagamit ang nagpakasal ay tumutukoy sa taong naging punong-abala o siyang nangasiwa upang makasal ang isang lalaki at babae.
Halimbawa: Ang mga kapitbahay na matulungin ang nagpakasal sa maralitang sina Erza at Jellal.

8. Din at Rin, Daw at Raw

          Ang mga katagang rin at raw ay ginagamit kung ang sinusundang salita ay nagtapos sa patinig at sa malapatinig na w at y.
Halimbawa: Si Natsu at katulad mo ring masipag mag-aral.

           Ang din at daw ay ginagamit kung ang sinusundang salita ay nagtapos sa katinig maliban sa w at y.
Halimbawa: Nakapagsulat din ng aklat si Lucy.

9. Sila at Sina, Kina at Kila

         Ang sila ay panghalip panao samantalang ang sina ay panandang pangkayarian sa pangalan.
Halimbawa: Sila ay mabubuting anak.
                     Sina Gray at Natsu ay mabubuting anak.

         Ang kina ay panandang pangkayarian sa pangngalan. Walang salitang kila sa Balarilang Filipino.
Halimbawa: Papunta na kami kina Mr. Fullbuster.

10. Pinto at Pintuan

             Ang pinto ( door ) ay bahagi ng daaanan na isinasara at ibinubukas. Ginawa ito upang ilagay sa pintuan samantalang ang pintuan ( doorway ) ay ang kinalalagyan ng pinto. Ito rin ang bahaging daraanan kapag bukas na ang pinto.
Halimbawa: Isinara niya ang pinto upang hindi makapasok ang lamok.
                     Nakaharang sa pintuan ang paso ng halaman kung kaya't hindi niya maisara ang pinto.

11. Hagdan at Hagdanan

            Ang hagdan ( stairs ) ay mga baytang at inaakyatan at binababaan sa bahay/gusali samantalang ang hagdanan ( stairways) ay bahagi ng bahay na kinalalagyan ng hagdan.
Halimbawa: Mabilis niyang inakyat ang hagdan upang marating ang klinika.
                     Matitibay ang hagdanan ng kanilang bahay kaya hindo gumuho ang hagdan niyon matapos ang lindol.

12. Iwan at Iwanan

          Ang iwan ( to leave something ) ay nangangahulugang huwag isama/ dalhin samantalang ang iwanan ( to leave something to somebody ) ay nangangahulugan bibigyan ng kung ano ang isang tao.
Halimbawa: Iwan mo na ang anak mo sa bahay niyo.
                     Iwanan mo ako ng perang pambili ng pananghalian.

13. Sundin at Sundan

            Ang sundin ( follow an advice ) ay nangangahulugang sumunod sa payo o pangaral samantalang ang sundan ( follow where one is going; follow what one does ) ay nangangahulugan gayahin ang ginagawa ng iba o pumunta sa pinuntahan ng iba.
Halimbawa: Sundin mo ang payo ng iyong mga magulang kung ayaw mong maligaw ng landas.
                     Sundan mo agad ang umalis mong kaibigan at baka tuluyan na iyong magtampo.

14. Tungtong, Tuntong, at Tunton

           Ang tungtong ay panakip sa palayok o kawali. Ang tuntong ay pagyapak sa ano mang bagay. Ang tunton ay pagbakas o paghanap sa bakas ng ano mang bagay.
Halimbawa: Hindi makita ni Levy ang tungtong ng palayok sa kusina.
                     Tumuntong siya sa mesa upang maabot niya ang bumbilya.
                     Hindi ko matunton kung saan na nagsuot ang aming tuta.

15. Dahil sa at Dahilan sa

            Dahil sa ang wasto. Sinusundan ito ng pangngalang pinagsanhian ng isang pangyayari. Mali ang dahilan sa. Ang dahilan ay pangngalan mismo.
Halimbawa: Hindi siya nakapasa sa pagsusulit dahil sa hindi niya pagsunod sa panuto.
                     Panira sa mga kasamahan sa trabaho ang naging dahilan ng pagkasira ng reputasyon ni Melody.

16. Kung 'di, Kungdi, at Kundi

            Ang kung 'di ( if not ) ay pinaikling kung hindi. Ang kungdi ay hindi dapat gamitin dahil walang salitang ganito. Ang kundi ay kolokyalismo ng kung 'di.
Halimbawa: Kung 'di ka sana nagmataas ay kaibigan mo pa rin si Jellal.
                     Walang makakapasok sa gusali kundi ang mga empleyado lamang.

Pangunahing Komponent o sangkap ng batayang anyo ng pangungusap

Pangunahing  Komponent o sangkap ng batayang anyo ng pangungusap

1.Paksa/simuno – ang pinag uusapan sa pangungusap.
           Halimbawa: Ang mga paring Kastila ay nagmalabis sa kanilang karapatan.
2.Panaguri-  bahaging naglalarawan sa paksa o simuno.
            Halimbawa: Ang mga paring Kastila ay nagmalabis sa kanilang karapatan.
3.Pandiwa- salitang nagsasaad ng kilos o galaw sa pangungusap.
            Halimbawa: Inampon nila ang mga ulila at kapuspalad.
4.Pokus ng pandiwa- mahalagang pagkakaugnayan ng pandiwa sa paksa ng pangungusap.
a.) Tagaganap o aktor - ang pandiwa ay nasa pokus sa tagaganap kapag ang paksa ng pangungusap ang tagaganap ng kilos na isinasaad sa pandiwa.
Halimbawa:
Nanguna si Richard Gordon sa pagsulong ng turismo ng bansa.

b.) Layon o Gol - kapag ang tuwirang layon o ang gol ang siyang pokus ng pangungusap.
Halimbawa:Ginawa niya ang programang ito para sa ikauunlad ng ating turismo.

c.) Ganapan o Lokatib - ang pandiwa ay nasa pokus sa ganapan kung ang paksa ay ang lugar o ganapan ng kilos.
Halimbawa:Pinagdarausan ng buwang-buwang eksibit ang Intramuros, Manila.

d.) Tagatanggap o Benepaktib - kapag ang pinaglalaanan o di-tuwirang layon ang nagiging simuno o pokus.
Halimbawa:Ipinaghanda niya ng masarap na kakanin ang mga panauhin.

e.) Gamit o Instrumental - ito ay tumutukoy sa kasangkapan o bagay na nakikinabang sa resulta ng kilos o pandiwa na siyang paksa ng pangungusap.
Halimbawa:Ipinamili niya ang pera para sa eksibit.

f.) Sanhi o Kawsatib - ang pandiwa ay nakapokus sa sanhi kung ang paksa ay nagpapahayag ng dahilan o sanhi ng kilos.
Halimbawa:Ikinatuwa ng Pangulo ang katagumpayan ng programang WOW.

g.) Direksyunal - pinagtutuunan ng pandiwa ang direksyon o tinutungo ng kilos.
Halimbawa:Pasyalan natin ang WOW sa Intramuros.

                      h). Komplemento ng pandiwa – bahagi ng panaguri na nagbibigay ng ganap na kahulugan na kahulugan sa pandiwa.

                         > Komplementonng tagaganap – Bahagi ng panaguri na gumaganap sa kilos na isinasaad ng pandiwa.
Halimbawa: Binili ng ate ang sapatos.

                        >Komplementong Layon – Nagsasabi kung ano ang bagay na tinutukoy ng pandiwa.
Halimbawa: Bumili  ang nanay ng damit.

                        >Komplementong Tagatanggap – Nagsasabi kung sino ang nakikinabang sa kilos na ipinahahayag ng pandiwa.
Halimbawa: Binili ng nana yang sapatos para kay Nelia.

                        >Komplementong Ganapan – Nagsasaad ng lugar na ginaganapan ng kilos ng pandiwa.
Halimbawa: Kumuha si Allan ng tubig sa balon.

                        >Komplementong Sanhi – Nagsasabi ng dahilan ng pagkakapangyari ng kilos ng pandiwa.
Halimbawa: Nagkasakit siya dahil sa matinding pagod.

                        >Komplementong Direksyonal – Nagpapahayag ng kilos mula sa isang lugar patungo sa ibang lugar.
Halimbawa: Nagpunta sila sa Batangas.

                        >Komplementong Kagamitan- Nagsasaad ng kung anong bagay, kagamitan o instrument ang ginamit upang maisagawa ang kilos.

Halimbawa: Pinutol niya ang damo sa pamamagitan ng gunting.

Lunes, Oktubre 13, 2014

Mga Patnubay Sa Pagbigkas ng Tula at Talumpati

Mga Patnubay Sa Pagbigkas ng Tula at Talumpati

1.       Layunin. Ano ang layunin ng tula o talumpati ?
Narito ang ilang karaniwang layunin ng tula o talumpati:
a.       Magpakilos tungo sa isang pagsasagawa
b.      Manghikayat
c.       Magbigay ng impormasyon
d.      Magbigay-aliw, at iba pa.
Mahalagang maunawaan ng bibigkas ang tunay na layunin ng tula at talumpati. Hindi kalianman mabibigyang buhay ang pyesa kung hindi malinaw sa bibigkas ang layunin nito.

2.       Pagkakaugnay ng Mambibigkas at Madla. Paano masasabing epektibo ang isang bumibigkas?
Masasabing epektibo ang bumibigkas kung natitinag niya ang nanonood. May malakas siyang hikayat sa madla kung nagagawa niya itong patawanin o paiyakin sang-ayon na rin sa diwang isinasaad ng tula.

3.      Tikas o Tindig. Paano ba ang tamang tindig sa tanghalan?
Sa pagtindig, ang bigat ng katawan ay nasa nauunang paa. Kadalasang kanan ang nauunang paq. Ngunit kung patag ang tayo, ang bigat ng katawan ay nasa dalawang paa.

4.     Tinig. Paano ba ang tamang tinig sa tanghalan ?
Sa makabagong paraan ng pagbigkas, ang isinasaalang-alang ay ang diwa ng tula. Kaya’t ang tinig ay maaaring magbagu-bago ayon na rin sa diwang isinasaad nito. Maaari rin naming pabulong o paanas. Ang mahalaga ay alam ng bumibigkas kung kalian niya hihinaan o lalakasan ang tinig ayon sa diwang ipinaaabot ng tula.

5.       Panuunan ng Paningin. Mailalarawan mob a ang tamang panuunan ng paningin?
Isang kahinaan ng bumibigkas ang pagiging mailap ng kanyang mga mata. Dapat itong maiwasan. Nagiging mabisa ang bumibigkas kung alam niya ang pagtutuunan ng kanyang paningin. Karaniwang ang paningin ay nagsisimula sa gitna sag awing likuran. Maaari itong igawi sa kanan o kaliwa, ngunit hindi dapat laktawan ang gitna.

6.      Himig. Anong uri ng himig ang kailangan sa pagbigkas?
Ang isang dapat maiwasan sa pagbigkas ay ang himig na parang ibong umaawit o parang pusang naglalampong. Kung minsan naman, ang tono o himig ng bumibigkas ay naroong lumakas-humina; humina-lumakas. Ito ang tinatawag na monotone. Hindi ito kahali-halina sa nakikinig. Ang mahalaga ay ang pagsasaalang-alang sa diwa ng tula o talumpati.
7.      Pagbigkas. Paano ba ang wastong pagbigkas?
Dapat maging malinaw ang pagbigkas o pagbitaw ng mga salita ayon sa wastong diin at pagkakapantig nito. Ang mga pantig ay dapat na ipukol nang malinaw lalo na ang mga salitang may impit na tunog.

8.       Pagkumpas. Paano ba ang mahusay na pagkumpas?
Higit na maganda kung sa pagkumpas ay isinusunod natin ang ating mata. Para bang hinahagod natin ng tingin ang direksyong itinuturo. Dapat iwasan ang pabigla-bigla o pasulput-sulpot na kumpas. Tandaan na ang bawat pagkumpas ay may layunin. Damhin kung ano ang nais ipahayag ng tula o talumpati.